Archive for May, 2009

h1

Puting Eroplano

May 6, 2009

Ipinanganak si Carlos Villanueva noong isang malamig na gabi nang Disyembre sa mag-asawang Ramon at Cecilia. Hugis mani ang kanyang mga mata at kayumanggi ang ningning ng mga ito. Mapula-pula ang kanyang kayumangging balat at kasing bilog ng bola ang mukha ng bata. Tuwang-tuwa silang dalawa sa anak nilang lalake. Kurot sila ng kurot sa mga matambok na pisngi at maliit na ilong. Rinig sa buong ospital ang hagikgikan ng pamilya.  Lahat gagawin ng mag-asawa para lumaki ng mabuti at masaya ang kanilang anak.

Ang tatay ni Carlos ay isang piloto ng eroplano kaya lagi niyang kinakarga at ipinapalipad si Carlos sa kanyang mga braso. Ang beybing Cralos ay tuwang-tuwa tuwing lumilipad siya sa langit at kinikiliti ng hanging ang kanyang mga pisngi.

Sa paglaki ni Carlo paboritong-paborito niya ang pagpapalipad ng puting eroplano. Kasama niya ang kanyang ama sa parke tuwing hapon upang paliparin ang puting eroplano sa sumasayaw na hangin.

Tuwing umuuwi si Ramon galing sa iba’t ibang bansa lagi siyang nag-uuwi ng pasalubong para kay Carlos. Noong nanggaling siya sa Amerika binigyan niya si Carlos ng laruang eroplano na kulay pula. Sa imahinasyon ni Carlos ang munting eroplanong ito ay lumilipad sa himpapawid patungong buwan at paikot ng buong mundo. Hinahaplos ng bughaw ng dagat ang kanyang mukha at napupuno ng kanta ng hangin ang kanyang mga tenga tuwing sinasakyan niya ang kanyang pulang eroplano. Noong nanggaling ang kanyang ama sa Indya binigyan siya ng itim na eroplano. Pumasok sa isipan ni Carlos ang sari-saring sayaw at kulay ng buong Indya na nakita at naramdaman ng kanyang tatay. Ang kinang ng Taj Mahal sa sikat ng araw at ang anino nito sa liwanag ng buwan. Ang lawak at lalim ng Ganges sa likod ng kanyang mga mata.

Noong umuwi si Ramon galing Tsina tuwang-tuwa si Carlos. Inaantay niya ang bagong eroplanong makukuha niya bukod doon sa itim at pula na nabigay sa kanya ng kanyang ama. Nagkunwari si Ramon na wala siyang dala ngunit hindi nakalusot sa mga matalas na mata ni Carlos. Bumigay na ang ama at inilabas ang dilaw na eroplanong nakabalot sa plastik. Talon ng talon si Carlos sa bago niyang laruang eroplano. Ikinuwento ni Ramon ang kanyang mga nakita noong bumisita siya sa Tsina. Naghanda ng merienda si Cecilia para sa mag-ama. Dalawang baso ng malamig na juice at kakanin na gawa ng lola ni Carlos na si Imelda.

Ipinapalipad ni Carlos ang kanyang bagong eroplano habang nagsasalaysay ang kanyang ama tungkol sa mga nakita niya sa Tsina. Sa pagkuwento ng kanyang ama naramdaman ni Carlos ang ihip ng hangin sa pagtwaid sa Great Wall. Bawat tulo ng pawis at hinga ng dibdib tumatak sa katawan ni Carlos. Ang singaw ng masasarap na ulam at dighay ng kanyang ama sa pag-ubos rito ay kumikiliti sa isipan ni Carlos. Ang puting laruang eroplano ang pinakapaborito ni Carlos sa lahat ng nabigay ng kanyang ama. Paborito niya ito dahil ito ang laruang nakuha niya noong nakalibot sila sa Pilipinas noong nagbakasyon ang kanyang ama. Masayang-masaya si Carlos dahil magkasama na silang buong pamilya sa pagbiyahe hindi nakahiwalay sa kaniyang ama.

Nalunod ang kanyang mga mata sa sari-saring dalampasigan sa Palawan at Cebu. Ang asul na kulay ng mga dagat nito ay sumasayaw sa kanyang mga mata. Lumulusot sa kanyang mga maliit na kamay ang purong-puro na puting buhangin habang naglalaro siya kasama ang kanyang ina. Patuloy ang kasiyahan sa pamilya Villanueva habang buo ang pamilya. Bumubuo sila ng mga bagong ala-ala sa mga nabisita nilang lugar sa Pilipinas at sa mga napupuntahan ni Ramon bilang isang piloto. Ang mga laruang eroplano ay mga sagisag ng kanilang mga matatamis na ala-ala.

Pagkalipas ng ilang buwan noong siyam na taong gulang na si Carlos dinalaw sila ng trahedya. Naaksidente si Ramon habang papaalis pa lang ang eroplano patungong Britanya. Pumutok ang isang makina ng pakpak at sumadsad ang eroplano sa daan. Maraming mga taong nasakatan at namatay.

Hindi makapaniwala ang mag-ina sa narinig na aksidente. Nilamon ng iyak ni Cecilia ang gabi ngunit si Carlos hindi tumulo ang luha kahit isang patak. Lumipas ang mga araw at unti-uting lumalabo ang pangin ni Carlos. Ang mga iba’t ibang larawan ng mga lugar na nakita niya at ikinuwento ng kanyang ama ay inaagnas at dinadala ng hangin ng limot. Sa pagalala dinala ni Cecilia si Carlos sa isang doktor sinabi ng doktor hindi niya alam kung ano ang nangyayari kay Carlos at bakit lumalabo ang mata nito. Nagbigay siya ng mga gamot na akala niyang magpapagaling sa sakit ng bata. Kumaripas ang mga buwan patungo sa pagtapos ng taon at lumalala ang pagkalabo ng mata ni Carlos. Nakatitig na lang ang batang si Carlos sa mga laruan niyang eroplano wala nang mga kulay ito sa kanyang paningin. Dahan-dahan niyang pinapadaan ang kanyang mga kamay sa mga ito ngunit walang bumabalik na ala-ala sa kanyang isipan. Nagmistulang panaginip lamang ang kanyang mga makukulay na ala-ala. Bumalik ang mag-ina sa doktor upang makahanap ng sagot sa kanilang mga tanong. Tiningnan ng doktor ang mga mata ni Carlos. Ang buntung hininga ng doktor ay sumadsad sa katotohanang matagal ng kutob ni Cecilia. “Mabubulag na ang anak ninyo.”

Hinanda ni Cecilia ang anak sa magiging buhay nito mula ngayon. Ngunit sa loob-looban niya hindi niya tanggap na mabubulag ang kanyang anak at wala na ang kanyang asawa. Kitang-kita ang hinagpis sa mukha ni Cecilia. Ang kanyang kirot sa pisngi. Ang maga ng kanyang mga mata sa kakaiyak. Ngunit hindi ito nakita ni Carlos ang boses at mga salita lamang ang kanyang narinig. Itinago ni Cecilia ang kanyang ramdam na sakit sa likod ng mahinahon na boses.

Noong unang mga araw hirap na hirap si Cecilia kay Carlos dahil sa pagkabulag nito. Laging na-uuntog at nagkakalat ang batang si Carlos. Walang ibang ginagawa iyong bata kundi kumain at matulog nalimutan na niya na mayroon siyang mga sariling kamay at paa na gumagalaw at kumikilos. Umasa siya ng lubusan sa kanyang ina na saluhin ang kanyang bawat pagkakamali at pagkilos. Biolang isang ina hindi tumanggi si Cecilia binigay niya ang lahat sa kanyang ina. Itinago niya ang kanyang dalumhati sa pagkawalay ng asawa at ang sakit na nakikita sa anak na bulag sa kanyang malumanay na boses.

Lumipas ang mga buwan, nasa itaas ng hagdan si Cecilia hinahanap ang batang si Carlos. Ang batang bulag ay dahan-dahan hinahanap ang hagdan pababa mula sa kanyang kwarto. Ang kanyang mga alanganing yapak ay takda ng pagkasanay sa pagtulong ng ina. Kinakapa ng bawat daliri ang daan at mga pader ang pangalan ng ina ang tanging maririnig sa kanyang bibig. Sa pagkarinig ni Cecilia ng boses ng anak nabuo ang kanyang mga sasabihin sa kanyang isipan ngunit ayaw lumabas ng mga ito sa kanyang bibig. Umapaw ang mga salita at pangungsap sa dulo ng kanyang dila ngunit nagmatigas ng ulo ang mga ito at nanatili na lamang sa kanilang puwesto. Nagulat si Cecilia nang malaman niyang hindi na siya makapagsalita hinanap niya agad si Carlos umiikot sa kanyang bibig ang pangalan ng bata ngunit hindi siya marinig nito. Sa mga sumunod na sandali pahina ng pahina ang boses ng bata sa kanyang mga tenga. Hinanap ng hinanap ni Cecilia ang kanyang anak sa bawat sulok ng ikalawang palapag ngunit nadaanan niya lang ito noong papunta ang bata sa hagdan. Hindi niya nakita agad ang bata dahil sa kanyang pagmamadali at pagkalito. Ang huling pumasok sa tenga ni Cecilia noong nakita na niya ang kanyang anak na nasa dulo ng hagdan ay ‘i-n-a.’ Kumaripas ang mga usok at naiwan sa kanyang paanan ang kanyang pagkalito noong nakita niyang humakabang ang anak at muntik ng mahulog sa hagdan. Hinagip niya ang anak sa isang tabi at ynakap ng matindi. May mga salitang umiikot sa bibig ng bata ngunit hindi ito marinig ni Cecilia. Hindi na siya makarinig. Ayaw lumabas ng iyak sa kayang mga labi urong-sulong ang kabig ng kanyang dibdib. Tinanong ni Carlos sa kanyang ina bakit ka umiiyak? Ngunit hindi niya ito narinig. Ang boses ni Carlos ay tumalbog sa bawat pader ng ikalawang palapag hanggang sa inagnas nang hangin.

Sa unang mga araw ng kakaibang pangyayaring ito hinarap ni Cecilia ang sitwasyon puno ng hinagpis at galit sa sinapit nila. Bakit ba naman dadagdagan ng Diyos ang kanilang paghihirap bukod sa nabawian ng asawa at ama binawian pa ng mata, bibig, at tenga. Nabigo si Cecilia noong bumisita sila sa doktor. Hindi maintindihan ng siyensya kung paano nangyari ang ganito. Ilang beses tiningnan ng doktor ang kanyang tenga at vocal chords ngunit wala siyang makitang problema rito. Kinamot niya ang kanyang ulo at nagbuntong hininga gannon ba magbiro ang tadhana na magbigay ng inang pipi at bingi at anak na bulag. Hindi pa alam ni Carlos na bingi at pipi ang kanyang ina itinago ito ni Cecilia sa kanya. Dahil takot siyang mas lalong malumpo ang kanyang anak at kunin ito sa kanya ng mga otoridad pagbinansagan siyang wala sa kundisyon para mag-alaga ng batang bulag. Ngunit ang tinatagong takot ni Cecilia sa kanyang puso ay ang takot na hindi na siya kailanganin ng kanyang anak. Wala na siya sa kanyang tabi pag-iyak nito at tuwing pagsugat ng kanyang tuhod ito ang takot na pumipigil at kumakapit sa kanyang buong katawan. Sinabi ng doktor ang katotohanan kay Carlos. Nagulat ang ina noong lumapit sa kanya ang anak bukas ang mga bisig at binigyan siya ng mahigpit na yakap. Hindi siya umiyak o nagulat sa sinabi sa kanya ng doktor. Basta alam niyang hindi niya iiwan ang kanyang ina.

Sa mga unang araw si Carlos ang bibig at tenga ni Cecilia at si Cecilia naman ang mga mata ni Carlos. Sa umpisa madalas nagkakalituhan ang mag-ina sa mga ginagawa nila. May mga ulong nag-uumpugan kung nalito sa utos at sa magugulong kamay na atat makatulong. Nagkakamaling kulay ng suot ng damit ang gustong asul na kulay ay nagiging itim. Ang hinihinging paminta para sa sinigang ay nagiging asin. Nagkakainisan ang mag-ina sa isa’t isa dahil hindi sila nagkakaintindihan. Ang mga batok sa ulo at mahihinang sampal sa mukha ni Carlos ay takda ng pagkainis ni Cecilia sa mga pagkakamali. Ang bawi naman ni Carlos ay ang pagsisigaw sa inay tuwing nagkakamali ito. Ngunit sa pagkakagulong ito hindi pa rin sila magkaintindihan. Hindi maintindihan ng bawat isa kung bakit sinampal at kung bakit nagwawala. Umaalingawngaw ang boses ng bata tuwing kinakausap nito ang binging ina. Natutong magbasa ng bibig si Cecilia at mas nakikinig siya ngayon kumpara sa panahong nakakarinig at nakakapagsalita pa siya.

Nagdesisyon ang dalawa na dapat matuto silang mabuhay ng mag-isa kahit may kapansanan sila. Kailangan ng matapos ang pagkakalito at pagdepende masyado sa isa’t isa. Inaalalayan ni Cecilia ang anak tuwing sinusubukan nitong maglakad mag-isa. Ang kanyang mga kamay na humahaplos sa mga tagumpay ng bata at ang mga kamay rin ito ang nagdidisiplina kung suwail. Sa bawat untog at bawat dapa ipinipigil ni Cecilia ang sarili sa paglusong at tulungan ang anak sa pagtayo. Nakita niya ang pagtayo ulit nito at ang pagkapa sa bawat sulok ng kwarto. Ginamit ng bata ang mga kamay upang makakita at bigyan ng mukha ang bawat paligid. Dumapo ang isang ngiti sa kanyang labi napawi ang dalamhati.

Tinuruan ni Cecilia ang sarili gumamit ng sign language para mapalitan ang kanyang nawalang boses at pandinig. Pinalitan niya ang kanyang pamamaraan ng pagtulong kay Carlos dahil kakaiba ang sitwasyon nilang dalawa sa pangkaraniwang tao. Tinatrato niya itong batang may mata at iniisip niya na mayroon pa siyang boses at pandinig. Ngayon hindi na siya sigurado sa kanyang sarili.

Ngayon panibagong simula ang kanyang nadatnan ngunit naroon ang anino ng mga lumipas. Ang patay niyang asawa at ang kanilang mga kapinsanan. Nangangamba ang kanyang bawat hakbang, puno ng alangan ang nakikita, naglalaban ang takot at saya sa kanyang damdamin tuwing nakakatayong mag-isa si Carlos. Dahan-dahan siyang lumapit sa bata pinagmasdan ang bawat pagbangon at pagbagsak. Gusto niyang iladlad ang kamay para rito ngunit marunong na ang bata maglakad mag-isa. Nandoon na siya nanonood umaapaw ang mga salitang gusto niyang sabihin sa paligid. Gumuhit ang isang ngiti sa kanyang mga mata. Naramdaman ni Crlos ang mga gustong sabihin ng kanyang ina. Tumingin siya sa direksyon ng kanyang ina at ngumiti. ‘Nay nandiyan pala kayo, tara kain na po tayo.’

Sa mga lumipas na taon natutong magbasa si Carlos gamit ang braille marunong na siyang bihisan ang kanyang sarili at nagluluto na rin siya tuwing hapunan at tanghalian. Sanay na ang mag-ina sa kanilang sitwasyon at masayang namumuhay kasama ang isa’t isa.

Isang araw lumapit si Carlos sa kanyang inay at sinabi ‘nay gusto ko malibot ang mundo tulad ni itay. Gusto ko ulit maramdaman ang iba’t ibang lugar nang mundo tulad ng dati. Noong sumasayaw ang sari-saring kulay ng mundo nang magkuwento si itay tungkol sa Tsina. Sa mga munting panaginip na iyon nakakakita ako muli. Ang mga kulay ay bumabalik sa aking mga mata.’ Maiging pinagmasdan ni Cecilia ang bawat galaw ng labi ni Carlos upang maintindihan ang kanyang gustong sabihin. Dahan-dahang nilulon ni Cecilia ang bawat letra ng mga nagmamartsang pangungusap na lumalabas sa bibig ni Carlos. Hindi nakapagtanggi si Cecilia sa hiling ng anak. Hinagkan niya ng binata at hinalikan ang pisngi. Ito ang araw na kinakatakutan niya ngunit alam niyang dapat mangyari. Nagpaalam na ang anak sa sumunod na araw dala-dala ang kanyang tungkod at bagahe. Winagayway niya ang kanyang kamay sa direksyon ng ina at lumabas ng pinto. Kumalat ang tunog ng pagsara sa buong bahay ngunit hindi ito narinig ni Cecilia. Ipinigil niya ang mga luhang lumalabs sa kanyang mga mata at tumingin sa nakasarang pinto. Ang liwanag ng araw at asul ng mga ulap ay kumapit sa balat ni Carlos noong tumingin siya sa langit.

Naka-abot sa iba’t ibang sulok ng mundo si Carlos. Narinig niya ang mga kantahan at sayawan ng Indya. Tumatak sa kanyang dila ang mga maanghang nitong mga pagkain. Iginuhit ng araw at nang mga kwento ng kanyang ama ang bawat dingding, pader at pintura ng Taj Mahal sa kanyang mga bulag na mata. Ang mga anino ng gusali ay umukit sa kanyang mga kamay noong idinaan niya ang mga ito sa mga pader ng gusali. Nakinig siya ng maigi sa kasaysayan ng Indya ang nakaraan nito bago sinakop ng Britanya. Ang mayamang kultura at masaganang lupain ay nagdulot ng ngiti sa kanyang mga labi ngunit naramdaman niya sa kanyang puso ang isang pagkukulang na hindi mapupuno ng bansang ito.

Nagtungo siya sa Tsina upang ipagpatuloy ang kanyang lakbayin. Nakarating siya sa malamig na simoy ng hangin ng Tsina. Hinanap niya ang mga lugar na nabisita ng kanyang ama. Kinakarga ng ihip ng hangin ang kanyang mga panaginip sa tuktok ng Great Wall sa Tsina. Kinikioiti ng bawat sipol ang kanyang mga kamay. Ang mga dilaw na mukha ay unti-unting sumasalubong sa kanyang ala-ala. Nagkaroon ng kulay ang mga kwento ng kanyang itay noong naranasan na niya mismo ang Tsina. Ang mayaman nitong kasaysayan ay damang-dama sa bawat mamamayan. Kitang-kita ang katangi-tangi nitong kultura sa mga palabas ng martial arts at bawat pintura ng kalikasan. Ngunit wala ang puso niya sa bansang ito hindi napawi ang pagkukulang na naramdaman niya. Ang mga ala-ala ng kanyang ama ay walang kulay sa kanyang mga mata.

Nagtungo siya sa Amerika para ipagpatuloy ang kanyang paghahanap. Nagulat siya sa kanyang mga naranasan. Mayaman ang bansang ito sagana ang ekonomiya. Iba’t ibang lahi ang kanyang nakilala. Mayroong mga Intsik, Aprikano, Koreano, Pilipino, at iba pa. Nabisita niya ang mga malalaking gusali at magarbong shopping malls. Nakakilala siya ng mga magandang mga babae at nakilala ang ibang mga sikat na artista. Punong-puno ng saya ang mga nabuong ala-ala sa pagbisit sa Amerika tulad ng kanyang ama. Ngunit naroon pa rin ang uhaw sa knayang damdamin. Hindi niya maintindihan kung ano ang hinahanap ng kanyang kalooban. Nakamit na niya ang materyal na kasiyahan marami siyang kaibigan, magaganda ang kanyang mga damit, nakatira siya sa Amerika! Pangarap ng lahat ng mga Pilipino! Pero hindi napawi ang kanyang kalooban. Naalala niya ang kanyang kabataan noong buhay pa ang kanyang ama. Ang kasiyahan ng pamilya tuwing pag-uwi ni Ramon mula sa kanyang mga biyahe ay nanigas sa isipan niya. Bumalik sa kanyang ala-ala ang mga laruang eroplano. Ang pula, itim, dilaw at ang puti. Naghalo ang mga kulay sa kanyang bulag na mga mata. Sinubukan niyang hawakan ang mga ito ngunit nagising siya bago niya ito nahawakan. Kumislap sa kanyang isipan ang kanyang ina. Ang mga kamay na gumagabay sa kanya noong nabulag siya. Ang mga paghihirap na dinaanan nilang mag-ina. Sa mga natandaang ala-ala ninais niyang bumalik sa Pilipinas.

Dala-dala niya ang mga retrato ng mga bansang nabisita niya sa kanyang isipan. Ang mga amoy nito sa kanyang ilong ang pakiramdam sa kanyang mga kamay. Sa pagtapak sa kalye ng kanilang tirahan nakita ng kanyang mga mata ang kanyang kabataan. Ang maduming kalye tuwing naglalaro sila ng kanyang ama ng kanyang mga laruang eroplano. Ang pulang eroplanong lumilipad sa bughaw na langit. Ang dilaw na eroplano na kumikinang sa sinag ng araw. Ang itim na eroplanong sumasayaw sa kanyang mga kamay. At ang puting eroplano na bigay ng ama. Lumilipad ang puting eroplano sa maaliwalas na hangin ng Palawan kumikinang ang balat nito sa purong puting buhangin. Kumatok si Carlos sa pinto ng bahay. Bumukas ang pinto. Nakatayo si Cecilia sa gitna ng bahay.  Lumapit si Carlos at hinagkan ang ina. Nakita niya ang kayumangging mata, naramdaman ang malambot na balat. Humaplos ang itim na buhok sa kanyang mga pisngi. Walang mga salitang lumabas sa kanilang mga bibig hindi na kailangan. Naglabas siya ng pasalubong para sa kanyang ina. Kinuha niya ang kanyang bag at nilabas ang isang laruang erooplano na kulay asul. Itinabi niya ang bagong laruan sa itim, pula, dilaw, at puting mga eroplano. Tumingin siya sa labas ng bintana bumalik sa kanyang mga bulag na mata ang ala-ala ng mga nagtatagong bituin sa likod ng mga ulap at ang sinag ng maliwanag na araw. Nakauwi na siya.

h1

Si Boy

May 6, 2009

Ako si Boy, isa akong batang kinse anyos. Naging Boy ang pangalan ko kasi yun ang tawag sakin noong bata pa ako. Hindi ko alam kung ano ang tunay kong pangalan basta yun lang yung alam kong pangalan at kinalakihan. Natagpuan ako ni Tay Erning sa ilalim ng tulay, duguan at nakabalot sa isang maruming kumot. Sabi niya sa akin malamang iniwan ka lang diyan ng kung sinong p—– i—- ayaw ng anak. Pero minsan tinutukso niya akong baka ang aking mga magulang ay isang puting nakabuntis ng isang pok-pok sa Olonggapo baka mayaman siya at hinahanap niya ako at paulanan ng libo-libong salapi tulad ni papi Willie. Lagi kaming nananaginip manirahan sa malaking mansyon na mayroong mga katulong na maghuhugas ng pwet ko at hindi lang palaging ako maghugas ng pwet ng ibang tao. Ninais naming makihalubilo sa mga artista at maging Kapamilya o Kapuso. Kahit saglit lang na panaginip makatikim man lang ng buhay mayaman habang sumasakit ang aming tiyan na naghahanap ng pagkain.

Nakatira kami sa ilalim ng tulay sa iskwater area malapit sa Pasig ang bahay namin ay yari sa tagpi-tagping yero at kung ano-anong plywood na makita namin sa daan. (Sige magpunas muna kayo ng luha sa mukha bago ko ipagpatuloy ang aking istorya mahaba-haba pa ito at punong-puno ng drama). Ganito na nga lang ang aming bahay mayroong pa rin mga taong nagnanais nakawin sa amin ang mga tagpi-tagping yero upang maibenta sa Junk Shop ni Mang Custodio. Ang mga bwisit na magnanakaw na iyon ay mga batang tulad ko na paligoy-ligoy lamang sa daan at ikinupkop ng mga sindikatong nagpapakain sa kanila. (Pambihirang buhay ito oh, pag hindi ka manggamit ikaw mismo ang magagamit. Punyeta! Basta kahit sinong taong magpakita ng konting kabutihan sa iyo susunod ka na parang tuta, magbubulag-bulagan ka muna at maghihintay ng panahon para kumagat at ikaw naman ang manggagago. Pero kung isip dukha ka malamang hindi mo iyon gagawin, magmamakaawa ka muna gamit ang iyong mga maladramang kwento at ang iyong mga luha. Puta! Kung tutuusin pare-pareho lang lahat yan pagnagpa-abuso ka aabusuhin ka talaga may Diyos man iyan o wala, maniwala kayo sakin! Pagbinigyan mo iyan ng pagkakataon mang-abuso aabusuhin ka niyan. Gagamitan ka ng mala-anghel na ngiti at mabuting pakikitungo! Paumanhin po sa mga mambabasa kailangan ko lang maisabi iyon dahil marami na akong nadaanan sa buhay at nagkukwento lang ulit).

Walang asawa si Tay Erning ako na ang itinuring niyang pamilya kasi magkatulad kaming dalawa mga batang inabanduna. Tumitinag ang kanyang maitim na balat sa liwanag ng buwan. Ang kanyang hapong mga braso ay payat ngunit malakas dahil sa hirap ng buhay. Trenta-sais taong gulang pa lang si Tay Erning ngunit mukha na siyang doble ng kanyang edad. May taglay na ningning ang mga mata ni Tay Erning kahit alam niyang maraming masamang nangyari sa kanya. Gabi-gabi lagi siyang may kasamang iba’t ibang babae, iba-iba ang kanilang mga edad minsan matanda minsan bata. Hindi nga ako sigurado kung babae o lalaki yung iba dun eh basta mayroon siyang kustomer palagi. Ito ang ginagawa niya tuwing gabi para dagdag kita upang mabayaran yung five-six niya at para matustusan ang aking pag-aaral. Kinailangan niyang gawin ito dahil hindi sapat ang kita ng isang kargador.

Mga magbubukid ang Nay Nena at Tay Teodoro niya bago nila dinala ang anak nila sa Maynila para gumanda ang buhay. Mahirap sa probinsya, yung lupang inaararo mo at tinataniman ay hindi sa iyo kundi sa isang mayaman na kumupkop ng lupa noong panahon pa ng mga Espanyol. Bawat tulo ng pawis at pagdanak ng dugo ay pag-aari ng ibang tao. Sumuko na sina Nay Nena at Tay Teodoro, umalis na lang ng walang pahintulot. Sumulong sa Maynila walang pinag-aralan, hindi marunong magbasa at magsulat. (Mahilig magkwento si Tay Erning lalo na kung nakaubos na siya ng isang bote ng gin). Naloko ni Mang Custodio, pinaupahan ng bahay at pinapirma ng kontrata. Si Mang Custodio lang kasi ang nagmabuting loob na tulungan sila pagdating nila mula probinsya. Binigyan ng trabaho si Tay Teodoro bilang magbobote at tagakolekta ng mga bakal para sa kanyang junk shop. Si Nay Nena naman naging isang mananahi sa sa Tailoring Shop ni Mang Custodio. Nakatali silang dalawa sa hintuturo ng tusong si Mang Custodio. Hindi nila alam halos lahat ng kinikita nila ipinapambayad nila ng utang sa bahay na pinaupa sa kanila at sa five-six na nakakontrata sa kanila. “Utang na loob daw” sabi nilang dalawa kay Tay Erning.

Noong nagkasakit si Tay Teodoro lalo pa silang nalugmok sa utang. Isang araw dumating siya ng bahay umuubo ng malakas at walang humpay. Bumagsak na lang siya ng basta-basta tumatahol parang aso. Pagdating sa ospital umuubo na siya ng dugo. Hindi siya ginamot ng mga doktor kasi kulang raw ang pambayad niya. Kahit napa-utang na ni Mang Custodio kinulang pa rin. Sinabi sa akin ni Tay Erning kaya pang pautangin ng mas malaking halaga sina Tay Teodor ngunit hindi pa nababayaran ang naunang mga inutang. Pinauwi siya ng doktor kahit nakita na ang kanyang kondisyon. Sinasabi ng kanyang mga mata marami pang ibang pasyente dito na magbabayad sila na muna bago ikaw. Umutang sila ulit kay Mang Custodio para naman sa albularyo na manggagamot kay Tay Teodoro. Hindi na siya gumaling simula noon unti-unti na siyang nanghina at nawalan ng lakas. Ang kanyang payat na katawan ay lalong pumayat at tuluyan ng binawian ng buhay. Pagkatapos ng ilang araw nawalan na nang gana sa buhay si Nay Nena sumunod na siya kay Tay Teodoro. Siyam na taong gulang pa lang noon si Tay Erning. Kinailangan niyang itigil ang pag-aaral dahil sinisingil pa rin siya ni Mang Custodio sa mga utang na hindi pa nababayaran ng kanyang mga magulang. Walang kumupkop sa kanya dahil wala siyang mga kamag-anak na nakatira sa Maynila. Nagtrabaho siya simula noon hanggang ngayon sa ilalim ni Mang Custodio. Nagbubuhat ng sako ng bigas at nagbebenta ng katawan, akala ni Tay Erning hindi ko iyon alam pero mabilis kumalat ang balita sa loob ng isang iskwater. (Hindi ko maintindihan kung bakit ang mga masasamang tao ay hindi namamatay. Matagal ng buhay si Mang Custodio sa kanyang paninigarilyo at toma ng beer ni hindi man siya nagkasakit at naiospital! Pero ganun lang talaga ang buhay para sa mga maralita nagbabayad ng utang at ng utang na loob!).

Hindi niyo lang alam mayroon talagang mga magnanakaw, rapist, mamamatay tao, lasinggero at kung ano-ano pang klaseng masamang tao na nakatago sa aming lugar. Alam ng mga kapitbahay ngunit hindi sila nagsasabi hindi dahil takot sila kundi mabait naman ang mga ito sa kanilang mga pamilya. Mayroon silang sariling mga trabaho at hanapbuhay mabuti sila sa kanilang mga asawa at anak. Pinapaaral pa nga nila ang mga ito. Lagi mong maririnig na para sa kanilang mga anak ang kanilang pagsisipag. Para na silang pamilya sa lugar namin nagtutulungan kung may nangangailangan. Daig pa nito ang mga mayayaman na mayroon na ngang pamamaraan para makatulong sa kanilang pamilya at sa kapwa pero ganoon rin sila mga mandarambong, mga adik sa alak, babae, droga kung ano pa, wala silang pinagkaiba sa amin. Kung tutuusin mas masahol pa nga sila.

(Paumanhin lang po ulit gagamit lang ako ng C.R. ng sandali bago ko ipagpatuloy ang aking pang-Maalala Mo Kayang kwento).

(Nakaraos na ako sa wakas ipagpapatuloy ko na ang aking kwento). Hinahangaan ko si Tay Erning kasi nakatayo siya sa kanyang mga sariling paa. Hindi siya nagreklamo sa mga nangyari sa kanya wala siyang pinagbintangan. Lagi niyang sinasabi sa akin para sa iyo ito Boy ayokong matulad ka sa amin. “Wag kang tatanga-tanga, wag kang magpapaloko Boy.” Ang mga salitang iyon ang paulit-ulit niyang sinasabi sa akin lasing man siya o hindi. “Gamitin mo ang utak mo kasi iyan ang paraang makakatulong sa iyo para makaahon ng kahirapan.” Mabuting tao si Tay Erning palagay ko kung hindi lang siya namulat sa kahirapan isa na siyang pulitiko o negosyante. Tuso siyang dumiskarte at malakas ang hatak niya sa mga taong nasa paligid niya. Pagbumukas ang bibig niya para magsalita nakikinig ang mga tao. Bilib ako sa kanya kasi mananalig siya sa Diyos araw-araw siyang nagdadasal at pumupunta sa misa bawat Linggo. Isang beses sinundan namin siya ng magkakaibigan kasama ang isang kustomer. Umakyat sila sa isang bahay sa may Cubao iyong bugaw nagbabantay sa labas at binabayaran yung mga pulis na umiikot dun. Isang matandang babaeng kwarenta anyos ang bugaw. May dalawang mata tulad ng isang lamok at ang tunog ng pagtapak ng kanyang mga paa ay tulad sa isang elepanteng kakadumi lamang. Ang kanyang matatabang braso ay kasing kapal ng sanga ng puno ng mangga. Naitatago ng liwanag ng dilim ang kanyang maitim na balat.

Binayaran namin siya upang masundan si Tay Erning sa katabing kwarto at panoorin siyang magdasal sa kanyang altar. Paakyat sa mga hagdan may nakita kaming taong pamilyar. Ang kanyang anino ay nagmistulang aswang sa pagkagat ng dilim. Nakikita namin siya sa TV tuwing hapon kasama ng mga magagandang babaeng halos hubad na sumasayaw. Hindi niya kami pinansin pero nakita namin ang mapanghusga niyang mata sa likod ng kanyang maitim na salamin. May kasama siyang dalawang babaeng nakakapit sa kanyang mga braso. (Lalake naman talaga o! Basta tungkol sa babae pare-parehong bisyo). Nakarating na kami sa tapat ng kwarto ni Tay Erning sa itaas ng pinto nakasulat ‘Basta Drayber Swit Laber’ sa mga matitingkad na kulay tulad ng bahaghari. Ito na ang kwartong nagmistulang simbahan ni Tay Erning. Tumungo kaming magkakaibigan sa katabing kwarto para magbigay pugay sa dakilang pari! Nakasilip kami sa isang butas at doon namin nakikita ang banal na pagdadasal ni Paring Erning. Naririnig namin ang mga hiyawan at pagsabong sa dilim ng liwanag. ‘Diyos ko! Diyos ko!’ kumakalat ang pagsabog ng mga salita sa hangin. Ang pag-agos ng mga mapulang salita ay unti-unting kinakain ang tahimik na nagtatago sa musiko ng gabi. Amen.

Noong aking kabataan mahilig kaming magkakaibigan maghanap ng mga gagamba sa mga sulok ng mga bahay at sa mga lumang kahong nagdidilaw sa kalumaan. Hawak namin sa aming maliit at maduming kamay ang nakakakiliting paa ng gagamba. Hinahanda namin ang barbekyu istik para sa sabong ng mga nahuli naming mga gagamba. Pinapanood namin ang malaking gagamba na paunti-unting pinapaikutan ang maliit na gagamba. Itinatago ng malaking gagamba ang halik ni Hudas sa kanyang mga pangil sa maliit na gagamba ngunit nakahanda na ang sapot upang mahuli ang walang malay. Sumugod ang maliit na gagamba diretso sa nakahandang sapot na nakausli sa ilalim ng istik. Nahuli ang walong paa sa sapot na nakatago nanigas ang gagamba naging yelo ang kanyang mga paa. Nananaginip lang ba ako noon? Hindi ko alam ngunit nakita kong nakangiti ang malaking gagamba habang papalapit sa kawawang maliit na gagamba. Nakalabas ang dalawang pangil na handang kumagat at kumain. Sa unang kagat ng gagamba hindi na gumalaw ang bihag unti-unti itong kinain at unti-unti rin naubos ang maliit na gagamba. Pinanood namin ito at may dumaang ngiti sa labi ng bawat isa. Natigil ang aming munting kasiyahan noong hinabol kami ni Aling Tinang palabas ng kanyang bakod. May hawak siyang walis tingting at pinagpapalo kami nito hanggang magsitakbuhan na kami. Hindi namin namalayan na nawala na ang istik na aming hawak kasama na rito ang gagambang nanalo. Noong nakaiwas na kami kay Aling Tinang nangolekta na ng pusta sa mga natalong nagtaya sa maliit na gagamba. Ang anak ni Mang Custodio na si Marlon ang nanguna mangolekta (bata pa magaling nang manggantso!).  Siya ang nakakuha ng pinakalamalaking halaga sa amin ang leon at ang kanyang mga kuting. Sa trenta pesos na naitaya nakakuha siya ng bente! Tapos dalawang piso lang ang nakuha namin limang magkakaibigan! Pumayag kaming lahat sa pagkahati-hati ng kwarta sabi niya kasi ililibre niya kami ng sorbetes at malamig na Coke sa pera niya…(Katangahan ba naman talaga bata pa lang tanga na sorbetes lang nagoyo na!). Nilibre nga kami ng sorbetes pero isa lang ang binili niya at isang bote ng Coke—pinaghati kaming limang magkakaibigan. “Itinupad ko naman yung sinabi ko diba?” sabi ni Marlon. (Ano ba naman ang magagawa ng bata sa edad na iyon?)

Sa pagsapit ng alas-otso ng umaga nagmamadali na akong pumunta sa eskwelahan nilagok ko na ang kapeng itinabi sa akin ni Tay Erning habang lumilipad papuntang pintuan. (Naaalala ko pa ang panahon na iyon parang isang lumang retrato sa likod ng aking mga panaginip. Kape araw-araw para sa almusal para mapawi ang gutom sa kalamnan. Isinasantabi ang ulam at kanin para sa hapunan at tanghali!). Lumilipad ang agos ng mga alikabok mula sa mga traysikel at yosing nag-aapoy sa umaga habang tumatakbo ako sa kalye tungo sa kaibigan kong si Tinoy. Lagi kaming sabay ni Tinoy pumunta sa Pasig Elementary School. (Nakikita ko ang sarili ko sa kanya tuwing naaalala ko ang aking kabataan). Ang kanyang pangong ilong at bilog na mga mata. Ang dagat ng kanyang mga mata na lubusan ng lalim nakikitang lumalangoy pataas ang gintong kayumanggi. Kulay lupa ang kanyang balat na nasunog sa ilalim ng sinag ng araw habang nagbebenta ng sampagita sa Marcos Highway. Malakas ang kanyang katawan kahit na payat ang kanyang mga bisig at binti. Dulot ito ng kakabuhat ng mga sako ng bigas na itinulong niya sa kanyang itay na si Kuya Jun. Isang kahig at isang tuka dito sa may amin. Kinse anyos pa lang may anak na at pamilya. Minsan hindi pa sila kasal kasi walang perang pambayad pero matibay ang kanilang pagsasama inaalagan nila ang kanilang mga asawa at anak. Araw-araw pa rin ang alak at sigarilyo ngunit lagi nilang inaasam ang mas mabuting kinabukasan para sa kanilang mga anak.

Nakita ko na si Tinoy sa labas ng pinto ng kanilang bahay isinigaw ko ang kanyang pangalan “Tinoy!!! Halika na maleleyt tayo ulit!” Nagmamadaling kumaripas sa labas ng pinto si Tinoy isinusuot ang kanyang unipormeng kasing puti ng Tide. Namudmod siya sa akin habang nakasulat sa hangin “sandali lang!” sa mga mapupulang letra, hindi niya ako nakita sa harapan niya. Tumayo kami agad at nagtawanan sa nangyari sa amin. Nadatnan namin si Marlon sa ilalim ng puno ng Sampaloc patungong paaralan. May hawak siyang bente pesos at ibinibigay kay Jhonalyn ang pinakamatalinong kaklase namin. Palagay namin binabayaran niya si Jhonalyn para gawin ang kanyang takdang-aralin sa matematika. Nagtinginan kaming dalawa ni Tinoy at biglang may sumapol na bato sa amin at naalala na mayroon rin kaming takdang aralin para sa Inggles. Umupo kami sa lumang lamesa sa labas ng aming silid-aralan. Nangingitim na ang puting pintura ng mga dingding nito at walang pintuan ang bawat dulo ng kwarto. Siksikan ang mga mag-aaral sa loob ng silid mahigit kumulang lampas animnapu kaming nagsisiksikan sa loob. Parang mga surot sa loob ng isang malaking basurahan. Walang mga bentilador at ang iba naming kaklase ay nakaupo sa likod na walang mga silya. Ang kanilang mga maruming uniporme ay umaagos sa aming mga mata at naglalaho sa pag-ihip ng hangin.

Hindi pa naman dumarating ang aming guro sa Inggles na si Mr. Sanchez. Nagmadali kaming nagsulat sa aming mga kwaderno kahit barok at maling pagbaybay ng mga pangungusap. Halos masunog na ang aming mga papel sa bilis ng pagtakbo ng mga letra na lumalabas sa aming mga kamay. Nadatnan namin siya na papalapit sa silid ang usok ng kanyang Marlboro Lights ay huminto sa kanyang mukha at tuluyan niyang inihagis ang sigarilyo sa tabi. Ang kanyang balbas saradong mukha at malaking salamin ay naitato sa aming mga utak. Kumaripas ang aming mga paa papasok sa kwarto. Sumiksik kaming magkaibigan sa isang sulok malapit sa gitna upang makahagilap kahit papaano sa turo ng guro. Marami kaming mga magkaklase sa loob ng silid ngunit kokonti lang ang nakakarinig sa turo dahil sobra dami namin sa loob. Ang iba namin kaklase hindi na nakikinig dahil wala naman silang matututunan wala rin naman pakialam si Mr. Sanchez. Isang manyikang gumagamit ng boses ng libro ang istilo ng pagturo niya. Nagtatalumpati ang guro gamit ang salita sa libro ngunit ang libro mismo ay luma at mali-maling impormasyon ang nakalagay. Ang salitang ‘shadow’ ay ibinaybay bilang ‘syadow’ ipinanganak si Jose Rizal sa petsang ika-19 ng Hulyo 1871! Ang librong hindi nakapasa sa mga pribadong mga paaralan ibinibigay sa mga pampublikong paaralan hindi naman nila malalaman ito. (Ganoon talaga ang buhay namin noong panahon na iyon hindi ko alam kung anong mga posibilidad mayroon para sa akin! Hindi ko pansin na inaapi na pala ako at ang aking mga kaibigan. Pambihira iyan puro pangako na lang! Basta panatiliin mong tanga ang mahihirap magagamit mo sila! Kasi kahit anong ibigay mo diyan maniniwala na iyan kasi hindi pa nila naiaako ang kanilang sarili wala silang kakayahan magdesisyon ng tama na nauukol sa kanilang sarili at sa kapwa nila. Ganoon ako mag-isip noon! Salamat na lang sa Diyos na nakaalis ako sa kadiliman!).

Habang nagsasalita si Mr. Sanchez ang iba kong kaklase ay nagkakara-cruz sa labas ng silid at nagtataya sa mga kanilang sabong ng mga gagamba. Ang iba naman ay nakatunganga na lang sa bandang likod at nananaginip ng kanilang papanoorin sa telebisyon mamaya. Ang iba naman isang linggo lang pumasok at tumigil na sa pag-aaral tulad ni Timo at ang kababata kong si Anton. Nagtrabaho na lamang sila bilang mga basurero at naglilimos sa kalye upang mapakain ang kanilang mga maliliit na kapatid. Kulang raw kasi ang kita ng kanilang mga itay at inay. Sabi ng magulang nila wala silang mapapala sa klase kasi ang itay nila nagtapos ng hayskul pero isip niya elementarya pa rin! ‘Magtrabaho na lang kayo!’ nakasulat sa langit sa mga malalaking letrang itim. (Paumanhin po ulit may sasagutin akong tawag mula sa ibang bansa ukol sa aking negosyo itutuloy ko ang aking kwento pagkatapos nito hintay po lamang).

(Pambihirang mga intsik na iyan! Oo ng oo pero hindi naman pala sigurado talaga sa sagot na ibinigay. Marami pang pakipot at pasikot-sikot sa pagnenegosyo. Kailangan ligawan at palambutin ang puso bago magbigay ng diretsong sagot. Di bale ipagpapatuloy ko na lang ang aking kwento).

Natututo akong magbasa at magsulat sa tulong ng isang madre sa ngalang Sister Stella. (Napag-initan siya ng kanyang mga magulang sa pagbigay sa kanya ng pangalan paborito nilang dalawa ang artistang si Vilma Santos at ninais rin nilang dalawa na magmadre ang kaisa-isa nilang anak na babae). Mabait at matiyaga si Sister Stella sa aming dalawa ni Tinoy. Sumuko na kaming dalawa sa pagpasok sa eskwelahan dahil wala naman kaming natututunan. Pagkatapos magsalita ni Mr. Sanchez ng bente minutos nagrereklamo na siya ukol sa kanyang suweldo at kung gaano kasama ang lagay ng pamilya niya. Minsan nagmamakaawa siya sa amin na bumili ng mga kwaderno sa kanya kasi nagugutom na ang kanyang mga anak. Sa gabing iyon nakita namin siya sa bahay ng mga puta.

Mataimtim ang aming pakikinig kay Sister Stella habang nagtuturo siya. Ang kanyang mga mabait na kamay at mala-anghel na boses ay paulit-ulit sumasayaw sa aming isip. Tinutunaw ng kanyang mga malambing na mata ang aming kaba pagnagkakamali kami sa aming mga aralin. Ginagabayan ng kanyang boses ang aming mga kamay habang isinusulat namin ang mga letra ng abakada. Maraming libro ang naipabasa sa amin si Sister Stella isa na rito ang Noli Me Tangere ni Jose Rizal. Ipinuslit niya ito sa isang silid-aklatan sa kanilang simbahan at binigyan kami ni Tinoy ng tig-isang kopya. Lagi naming inuulit-ulit ang ‘Jungle Book’ ng tanyag na manunulat na si Rudyard Kipling na bigay ni Sister Stella ng isang Pasko. Natuklasan namin na malaki pala ang mundo sa labas ng mga pader ng aming imahinasyon. Nakalibot kami sa isang gubat sa mga mata ni Mowgli. Ang berde ng mga puno ay nagsisitalunan sa harapan namin at ang kahol ng tigre ay nangingilabot sa aming mga tenga. Ang mga lakbayin ni Mowgli ang nagmulat sa amin at ang walang limitasyon ng aming isip. Ibinuhay naman ni Jose Rizal ang aming mga puso ukol sa mga bagay ng pagmahal sa sariling bayan at nagmulat sa mga mata namin sa kalagayan ng mga maralita. Bilang pasasalamat sa kabutihang loob ni Sister Stella tumigil na kami ni Tinoy sa pagsugal sa sabong ng mga gagamba. Hindi na rin kami nangungupit sa bulsa ng mga taong dumadaan sa kalye namin. Tinuturuan namin ang aming mga kaibigan ukol sa mga natutunan sa mga librong nabasa. Ginagabayan ang mga maliliit na mga bata sa pagsulat at pagbasa. Mula sa maliit na pagtitipon dumami ang mga tenga na nakikinig kay Sister Stella. Ngunit hindi nagtagal ang masasayang araw at pagkanta ng mga bituin…

Sumisinag ang init ng araw habang umaawit ang hihip ng hangin sa pagdating ng tag-init. Umaarangkada na ang mga kantahan at piyesta. Ang mga lechon ay nagmamartsa tungo sa mga puso ng mga dalisay at marangya. Panahon ulit ng eleksyon. Dumalo sa aming distrito si Alkalde Garcia. Tumatakbo siya para sa kanyang ikalawang termino. Ang kanyang mga plataporma ay ukol sa edukasyon, disiplina, kaayusan, at katotohanan sa gobyerno. Nabighani ng kanyang malinis na Barong Tagalog at kumikislap na ngiti ang mga puso ng mga tao sa lugar namin. Bukod pa dito napanood namin siya sa telebisyon kasama ng idolo naming si papi Willie. Sumali siya sa larong hep-hep hooray kasama ng ibang mga pulitiko. Nakilaro rin siya sa pagsagot sa mga tanong ni papi Willie at nakipagkantahan at sayawan sa Wowowee. Nakabakat ang kanyang bungisngis sa mukha ng aming mga telebisyon. Madalas ang bisita niya sa simbahan ni Sister Stella may dala-dala siyang mga mamahalin na tsokolate at mga diamanteng bituing kumikislap sa labo ng dilim ng buwan. Bihira na ang pagsasama namin sa pagbabasa ng mga libro sa mga araw na madalas namin makita si Alkalde Garcia. Sa mga araw na iyon madalang namin makita si Sister Stella. Noong  lumipas ang paghingalo ng ulan at tadyak ng hangin sa isang Biyernes ng Hunyo bumisita kami sa Sacred Hope Parish kung saan siya nakatira. Ang mga alikabok ng panaginip at hikbi ng mga bulong ang naabutan namin.

Araw-araw nang umaalis sina Sister Stella at Alkalde Garcia pati ang mga kasama niyang pari at madre sa kumbento ay nag-aalala. Minsan hindi na siya umuuwi sa kumbento ng ilang araw at nagpapabaya sa kanyang mga obligasyon bilang madre. Maraming beses namin siyang nakitang may suot na mga bagong damit at mga kumikinang na alahas tuwing kasama niya si Alkalde Garcia. Iba na ang tingin niya sa amin. Nagmistulang mga anino kami sa kanyang likod at naglalaho sa pagsikat ng araw. Ang aming mga maruming damit at maitim na mga mukha ay nalulunod sa dagat ng kanyang mga maitim na mata. Hindi na kami tao sa kanya ngunit mga hayop na kinakailangang itali at alagaan. Napalitan ng madilim na diamante ang ningning ng kanyang mga mata. Naglaho ang lambot at lambing sa kanyang mga kamay na napalitan ng hinga ng yelo. (Nabibili pala lahat ng pera pati kabutihan may presyo na! Punyeta talagang buhay na ito!).

Ang imahe ni Sister Stella ay nagbago sa aming isipan kalahating-demonyo kalahating-anghel. Nagtago sa maitim na ulap ang kanyang mala-anghel na ugali at ang malambing na mga mata. Nagmistulang panaginip na gumising at kusang tumayo. Nag-ayos ng damit uminom ng mainit na kape at naglayas patungo sa ibang bansa.

Sa isang gabing tumigil ang tibok ng liwanag ng buwan at paghinga ng hanging habagat. Napanaginipan ko si Sister Stella na nasa loob ng Sacred Hope Parish. Kaharap niya ang mga paring mayroong mga mukhang kasing liwanag ng araw. Ang kanilang hiyawan at sigawan ay bumubulong sa aking mga tenga. Kumakaskas at kumakapit sa aking balat ang lahat ng kanilang mga sinsabi.

“BAKIT MO IPINAGPALIT ANG SERBISYO MO SA SIMBAHAN SA LALAKING IYAN?”

“NASILAWAN KA NA BA NG PERA?”

“HINDI MO BA ALAM NA GINAGAMIT KA LANG NIYAN???”

Umukit ang mga salitang lumilipad sa langit sa puti ng aking mga mata. Nakasulat ang kanilang mga salita sa mga malalking letrang itim na lumupasay sa malamig na sahig noong ihinagis ko ang kumot ng masamang panaginip. Nadama ko ang bawat sigaw na humahaplos sa aking malamig na pawis. Tumingin ako sa aking paligid at nakita ang munti naming bahay. Ang mga tagpi-tagping yero at lumang mga kahoy—isa lamang kathang-isip.

Nagkita kami ni Tinoy sa kanilang bahay inilahad ko sa kanya ang aking panaginip noong gabi. Nais naming patunayan na panaginip lamang iyon ngunit naramdaman ko sa aking puso na may bahid iyon ng katotohanan. Unti-unting kinakain ng aming mga hinala ang marikit na lupa patungo sa simbahan. Lumilipad ang aming mga isipan sa lawak ng bughaw ng langit at natutunaw pagdatnan ng araw. Walang itsura ang mga mukhang nadadaanan namin at nababasa ng kanilang mabagal na hinga ang malagkit na hangin.

Nakarating na kami sa simbahan sinubo ng tahimik ang paglunok naming dalawa ni Tinoy ng aming mga laway. Ang mainit na ihip ng hangin ay sumabit sa amingmga basang kili-kili. Tinanong namin kay Padre Reynaldo kung saan si Sister Stella. Ang mga salitang lumabas sa kanyang dila ay sumasayaw sa aming tenga at nanatili doon hanggang sa huling titik ng kanyang balita. Unti-unting sumiksik sa aming damdamin parang mga langgam na pumupuslit ng pagkain—na wala na talaga siya rito. Kagabi siya umalis sa oras ng aking panaginip. Hindi naging madali para sa aming dalawa ni Tinoy noong narinig namin ang balita ilang araw hindi dumalaw ang tulog sa akin. Naroon siya sa isang marupok na lalawigan sa probinsya nagtatanim ng mga pangarap ng mga batang walang kinabukasan…

Tumigil ang pag-ikot ng mga araw para sa akin sa puntong iyon. Nakasabit sa anino ng araw ang mga librong ibinigay sa amin ni Sister Stella. Ang kanyang maputing mukha ay lumalabo ng lumalabo sa aking paningin. Ang mga pangarap na makamit ang isang mabuting buhay bunga ng edukasyon ay nagtago sa sulok ng aking pag-iisip.

(Sige paumahin ulit at iinom lang ako ng tubig kasi ba naman ang haba-haba na ng aking pagkwento natutuyo na ang aking lalamunan. Magmuni na rin kayo sa mga nangyari sa aking kabataan tutal gusto niyo naman maawa sa aking kalagayan at kunwaring magtulong sa mahirap ngunit para sa iyo lamang iyon hehe. Joke lang friends pa rin tayo ah.)

Nawalan ako ng gana magbasa at mag-aral pira-pirasong binawi ng mga librong nabasa ko ang berdeng gubat sa Jungle Book at ang mga lakbayin sa Europa ni Simoun. Sa bawat hithit ng sigarilyo at langhap ng isang bote ng rugby umiikot ang ulop ko at naaalala ang boses ni Sister Stella na bumubulong sa akin. Hindi ko na rin naririnig ang boses ni Tay Erning na nag-aalala dahil nakikita na niya ang sarili niya sa akin. Nalulong ako sa bisyo sa mga madilim na araw na iyon. Nawalan ako ng pag-asa sa buhay sinakyan ko na lang ang lahat ng mga bagay na mangyari sa akin. Mabilis ang paglipas ng mga taong iyon ng aking kabataan. Sa paglusob ng usok sa aking mga baga hanggang sa kulay ng mga babaeng humaharurot sa mga mata namin sa bahay ng bugaw na si Aling Turing. Naiwan ang retrato ni Sister Stella sa likod ng maitim na kurtina sa aking ulap ng mga pagmumuni-muni. (Siya na ang pinakamalapit na larawan ng isang inay sa buhay ko. O Diyos bakit mo kinuha siya sa aking piling! Sa panahong iyon hindi ko napansin ang aking pagkabinata parang pagkagising ko sa isang mapulang araw ng Marso bente anyos na ako! Balbas sarado at malaki ang mga masel sa pagkargador sa palengke. Isang malabnaw na panaginip lamang ang aking pagkabata.)

Naghanap ako ng trabaho sa mga sari-saring negosyo ni Mang Custodio. Madali lang siguro iyon sinabi ko sa sarili ko kasi naman ang mga lola’t lolo ko pati tatay sa kanya nagtrabaho. Nasagot nga ang tanong ko ginawa akong messenger at drayber sa ilalim ni Marlon. Napili ako ni Marlon dahil magkakilala na kami sa aming pagkabata. Alam niyang alam ko ang kanyang mga katarantaduhan. Madali sa kanya magtago at mangupit sa kanyang itay kung ako ang kasama niya. Pabalik-balik ako sa iba’t ibang baryo at siyudad sa Maynila gamit ang itim na Toyota ni Marlon. Unang beses ko iyon nakalabas ng lubusan sa aming maliit na lugar sa Pasig. Minsan kung mangiinis lang siya pinapagamit niya sa akin ang kanyang bisikleta na mayroong maliit na batingaw at ipapagbiyahe niya ako sa Ongpin para singilin ang mga Intsik na negosyante. Ang malalaking gusali na mistulang mga higante sa aking mga mata. Lumalangoy sa aking lalamunan ang iba’t ibang klaseng pagkain na pinakain sa akin ni Marlon. Kahit sabihin natin na hiwalay ako kumain sa kanya at ang kanyang mga girlfriend di hamak mas masarap pa rin ang pagkaing iyon kaysa sa karinderya ni Aling Josephine!

Si Marlon ang inuutusan ni Mang Custodio na kumausap sa mga kasama niya sa negosyo at alagaan ang iba’t iba niyang negosyo. Malayo ang narating ni Mang Custodio mula sa isang Junk Shop sa may amin. (Siyempre sa laki ba naman ng kita niya sa five six at panggantso hindi ba siya yayaman? Tuso si Mang Custodio sa kanyang negosyo hindi siya naging magastos kahit mabisyo siya. Mayroon siyang mga babae ngunit kaunti lamang ang mga ito at sandali ang relasyon. Magkabaliktad sila ng anak mahilig sa chicks si Marlon kaya madalas may butas ang bulsa! Di bale patuloy na lang sa kuwento.) Mula sa isang junk shop dumami ang mga junk shop na pag-aari ni Mang Custodio ang sabi sa akin ni Marlon noong nag-inuman kaming dalawa pagkatapos bayaran ang isang pulitiko para makakuha sila ng titulo sa lupang nagustuhan nila. Dalawa sa Pasig at tatlo naman sa Maynila sa mga iskwater area pa rin yung mga iyon ang dagdag niya. (Mahilig magkwento iyang si Marlon pagnaka-ilang shot na ng gin. Mga ala-ala na lang ang hawak ko sa kanya. Nakikita ko ang repleksyon niya sa bote ng Fundador tuwing may tama na ako.)

Sa pagdaloy ng salapi sa kanyang bulsa nakapagtayo ng mga bahay-puta at mga beerhouse sina Mang Custodio. (Siyempre iyon naman ang industriyang hindi mawawalan ng mga kustomer…) Mula rito nakabili siya ng mga lupa sa mga may utang sa kanya sa maliit na halaga. Nagpatayo siya ng mga apartment at mga condominium binibigyan niya ng libreng tirahan ang mga pulitiko at mayayamang mga negosyante na kasosyo niya kung nais nilang magbakasyon pero sa ibang mga kustomer halos doble ang bayad! Mabilis ang paglago ng yaman ni Mang Custodio limang taon lang ako sa ilalim niya nangyari na ang lahat na ito. (Mabilis makakuha ng pera basta kilala mo yung mga tamang tao at magaling kang-manggantso!) Sa pabalik-balik ko sa Ongpin at sa Maynila bilang isang drayber/messenger hindi ko mapigilang marinig ang kanyang mga kausap sa kanyang celphone o kaya kasama niya mismo sa kotse. Malaking halaga pala na umaabot sa milyones ang dinadala ni Marlon tuwing binibisita niya ang kanilang mga kasosyo. (Tutal ano ba naman ang magaagwa ng isang maralitang katulad ko na walang alam at inabanduna ng sariling magulang diba naman? Ang aking naka-ngiting mukha ay nalinlang ang kanilang pag-iisip na wala akong pakialam sa pinag-uusapan nila. Iyon ang nagustuhan nila sa akin lagi kasi ako naka-ngiti. Lumulusot ang kanilang mga bulong sa butas ng aking mga tenga at marami akong natutunan sa negosyo nila at ang mga pasikot-sikot ng mga ito. Tingnan mo ba naman pati pala ang boss mo may boss na sinisipsipan. Iyong mas maraming pera laging nasa itaas!)

Patuloy ang pagkupit ni Marlon sa kanyang ama at paghingi ng dagdag sa mga kliyente nila. Pinagmamasdan ko kung paano niya ito ginagawa tulad ng isang bata na nanonood sa kanyang mga magulang. Tuso iyong si Marlon hindi gaano malaki ang halagang kinukuha niya maiwasan ang pagkatuklas. Paonti-onti ngunit palagi ito ginagawa. Nagwiwithdraw at gumagawa ng imbentong resibo para sa mga binibili. Minsan ako pa ang inuutusan niya para hindi siya mahalata. (Si gago hindi pansin niloloko ko rin siya.) Pero minsan mabait iyang si Marlon ang sobra niya binibigay niya pagkain para sa amin ni Tay Erning. (Siyempre maliit iyon kumpara sa nakuha niya.)

Naka-ahon na kami ni Tay Erning sa maliit naming bahay sa ilalim ng tulay. Matagal-tagal na rin kami naghahanap ng bagong tirahan. Sa suweldo ko bilang drayber, messenger at sa nakukuha ko kay Marlon nakalipat kami sa isang apartment house na mayroong kusina at banyo. Mahusay magpasuweldo sina Mang Custodio kung napagkakatiwalaan ka nila. (Sa panahong iyon akala ko malaki na suweldo ko ngunit katiting lang iyon sa nakukuha nila Marlon at Mang Custodio. Ang dami nang nakuha sa akin at sa pamilya ko…Iyong maliliit na bagay na iyon mula noong bata ako nagpatong-patong.) Mabait sila sa kanilang mga charity lagi kong naririnig iyon kay Marlon kailangan nila magbigay. (Pambayad kasalanan siguro.) Nakikita ko mula sa maitim na salamin ng Toyota na tuwang-tuwa ang mga madreng nakakatanggap ng pera at regalo para sa mga bata. Hinid ko mapigilan humagikgik sa loob ng kotse. Ang masaklap na pagkatuwa sa loob ng baga ko sumingaw palabas. Ano ba naman ito? Ganoon na ba ako kawalang pakiramdam? Sa likod ng hangin ng ilusyon nakikita ko siya. Si Marlon. Ang maruming polo at maitim na mukha sa loob ng barong kasingputi ng langit. Ako rin ba ganoon na? Manhid. Natatawa na lang. O baka totoo ang nararamdaman nilang kabutihan? Hindi na ako sigurado.

Unti-unti nang nagkakasakit si Tay Erning. Tuluyan nang bumigay ang kanyang katawan dahil sa trabaho at bisyo. Nawawala na ang ningning sa kanyang mata na nakikita ko noong bata pa ako. Ang kanyan gmga braso ay parang lantang sanga ng puno na wala nang lakas. Ang payat ng kanyang katawan ay kumakalansing sa ihip ng malamig na hangin. Halos maubos ang pera kong naiipon at sinusuweldo sa labas-pasok ni Tay Erning sa ospital at sa pagbili ng gamot. Hindi ko maintindihan ngunit hindi pa bayad ang utang ni Tay kay Mang Custodio. Patuloy-tuloy ang pagpatong ng utang namin sa kanya dahil sa five-six. Ngayon na may sakit pa si Tay mas lalo kami na agrabiyado. Nalulunod ang gabi sa kanyang mga tahol ng ubo at yanig ng kanyang katawan.

(Muntik ko nang makalimutan ikwento sa inyo na mayroon na akong pangalan sa wakas! Dalawa pa nga eh haha. Hindi na Boy ang pangalan ko ngunit palayaw ko pa rin ito may pangalan na rin ako! Sa wakas tagumpay para sa maralitang katulad ko! Haaaaayyyy…ang pera kahit ano pwede bilhin kahit ang isang identidad basta may papel at signatura ayos na ang lahat.)

Ang una kong pangalan na nakuha ay Jesus Nazareno. Nagula ako noong ibinigay sa akin ito ni Marlon. Tiningnan ko ang bawat sulok ng papel kung totoo ba ito. Naramdaman ko ang tusok ng sulok ng papeles na nagbibigay sa akin ng pangalan. Nagmistulang komedya ang tingin ko rito at kinulit ko nang kinulit si Marlon kung totoo ba ito. Natawa na lamang siya at tiningnan ako sa mata sinasabing oo totoo iyan.  Huwag ka na magreklamo dagdag niya. Matuwa ka may pangalan ka na hindi na lang Boy ang tawag sa iyo.

(Iyan ang munting istoryang pangtelebisyon ng aking pangalan. Ngunit sa ngayon hindi ko na siya ginagamit sa mga ilalahad ko sa inyo sa sunod na parte ng kwento ko.)

Isang gabi nagkita kami ni Tinoy sa carinderia ni Aling Sela. Hindi nagbago si Tinoy ganoon pa rin siya sa aking alaala. Lumaki ang kanyang mga bisig at tumubo ang balbas sa kanyang mukha ngunit nandoon pa rin ang batang kasama ko maglaro ng mga gagamba. Nagtagay kami ng Ginebra gin para uminit ang aming katawan at magladlad ng buhok sa lumipas na trabaho. Natuklasan kong mayroon na palang asawa si Tinoy. Mayroon silang anak na lalaki na si Anton. Naglabas siya ng isang retratong kasing laki ng maliit na kalendaryo. Marumi ito at mukhang pinaglumaan ng oras at pawis sa trabaho. Ang tatlong mukha ay todo ang ngiti at kinang ng mga mata sa likod ng munting bahay sa retrato. Simple ang kanyang asawang si Josephine. Ang kanyang maliit na ngiti ay iginuhit sa kanyang kayumangging mukha. Ang kanyang mga tsokolateng mata ay hugis mani. Si Anton ay nagmistulang maliit na Tinoy. Ang kanyang putting ngiti ay lumalampas sa sulok ng retrato. Masaya makakita ng ganitong mga munting ligaya mula sa isang maruming mundo. Binalik ko ang kanyang retrato sa kanya at napuno ang dilim sa aming tawanan at apaw ng gin sa mga bibig namin.

Sa pagkagising ko sa sunod na araw kumakatok sa ulo ko ang sakit ng gin at ang simpleng buhay ni Tinoy. Nagmuni-muni ako na tigilan ang lahat ng kalokohang ito at mag-asawa’t anak. Ngunit natanto ng aking mga mata ang masaklap na kalagayan ng aking ama. Nahapo at nagkasakit ang kanyang katawan sa pagbayad ng utang ng kanyang mga magulang. Gusto ko ba ito mangyari sa akin? Paikot-ikot ang tanong na ito sa aking isipan at mga panaginip. Kumakatok sa aking isipan na pabayaan ang aking ama sa kanyang sakit. Lamunin siya ng kamatayan para mawakasan na ang aking pagdurusa. Sa pagpikit ng aking mga mata hindi ko man ginusto tinatamasa ng aking kaluluwa na makaalis sa lugar na ito. Makamit ang simpleng buhay tulad ni Tinoy. Ngunit lagi akong nadadala ng pangangailangan at utang na loob. Nalunod ako sa dagat ng pagiisip at binisita na ako ng tulog.

Sa pagkagising ng araw patuloy ang kayod bilang drayber para sa dalawang kumag na boss. Hindi ko maintindihan kung paano ko ito napagpatuloy minsan nakakalimutan ko na kung bakit ko ito ginagawa. Pera ba? Mas mabuting buhay? Hindi na ako sigurado. Basta kumukulo na ang dugo ko sa mga taong ito. Lahat na lang ng bagay nakuha nila sa akin. Tuwing nakikita ko na may kasamang babae si Marlon nasusuka na ako hindi tulad ng dati nagtatapon pa ako ng tingin sa likod sa tuwa. Humihigpit ang hawak ko sa manibela at unti-unting umuulan ang pawis ko sa aking paningin.

Araw-araw kong pinagtiyagaan ang pagbayad sa mga pulitiko at mga negosyante para maka-angat sila Marlon ngunit paano na ang para sa akin? Ang parte ko? Paikot-ikot na lang ba ang mundo at patuloy akong maaapi? Akala ko sapat na ang nakukuha kong salapi at nakabili pa kami ng magandang apartment house. Pero napansin kong unti-unti nilang hinihigop ang aking buhay hanggang sa wala nang matira rito. Malapit na ako sa aking hangganan. (Sa aking pagkaalala itinigil ko na ang aking pagkukupit sa gabing iyon.)

Isang gabi na nagkatuwaan si Marlon at ang kanyang kliyenteng pulitiko naka-alis kami sa nightclub ng ala-una ng umaga. May dala-dalang dalawang babae si Marlon sa paglabas niya. Kung tutuusin pangit iyong dalawang babaeng kasama niya sa sobrang kalasingan niya kung kani-kanino na siya pumapatol. Pareho silang iisa ang kilay at makapal parang higad. Sungki-sungki ang ngipin at pango ang ilong parang napisat na melon. Sabi nga nila walang pangit sa dilim pati na rin paglasing.

Nasa mood ngayon si Marlon para sa kantahan at kalokohan. Ipinabukas niya ang mga bintana at pinalakas ang radyo sa nakakabinging tunog. Ang kanta ng Air Supply ay sumasayaw sa malamig na hangin. Sa tindi ng kanilang katuwaan inutusan ako ni Marlon na ibigay iyong manibela sa isa sa mga pangit na kasama niya. Nagpreno ako ng madalian at nag-umpugan ang dalawang pangit. Itinago ko ang aking ngiti sa anino ng gabi.  Tinabihan ni Marlon ang pangit na nasa manibela at umupo ako sa likod kasama ang tsonggo. Pasikot-sikot ang kotse sa malabong mata ng babaeng nasa manibela. Ang kanilang tawanan at ang tugtug ng Air Supply ay kumakapit sa aking tenga. May biglang dumaan na anino sa harap ng kotse.

Nagsigawaan ang mga tao sa loob ng kotse wala ng katuwaan at hagikgikan. Basag ang windshield ng Toyota napinturahan ng pulang dugo. Nalamon ng pagbagsak ng lumpong katawan sa kalsada ang buong gabi. Lahat ng bagay ay biglang bumagal sa aking paningin. Ang pagtayo ni Marlon sa kanyang upuan upang makita kung ano nangyari. Ang dahan-dahan na pagtulo ng luha sa pisngi ng dalawang babae. Nagmadaling pumasok sa kotse si Marlon at uminom ng isang lagok ng gin at tumingin sa akin. Halika sa labas ang sabi niya sa akin. Ang mga salitang ito ay dahan-dahan nagmartsa sa aking tenga at unti-unting kumapit at bumuo ng mga pangungusap. Naghahanda na ng ulan ang langit na nagingitim. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Ang mapulang mukha ni Tinoy at ang kanyang mga bali-baling buto ay natato sa aking mga mata. Inutusan ako ni Marlon na kaladkarin ang katawang nanlalamig ni Tinoy sa bangin. Kumulo ang aking dugo nanigas ang aking mga daliri nanlabo ang aking mga mata. Lahat ba ng kasiyahan sa buhay ko kukunin sa akin? Bumuhos ang ulan. Sa isang idlap nasa leeg na ni Marlon ang aking mga kamay. Hindi ko na siya marinig umaapaw ang aking galit kaya nagmistulang bingi na ako. Nasuntok niya ako sa aking maselang bahagi nabitawan ko siya at gumulong ako sa kalsada. Naglabas siya ng baril kumasa at itinutok sa akin. Punyeta ka! Anong ginagawa mo ha? Ang laki ng itinulong namin sa iyo tapos iyan ang ipapalit mo ha? Hinampas ako ng baril sa likuran. Tinadyakan ang aking tagiliran. Wala kang utang na loob! Ipinaputok niya iyong baril at nagmintis. Lasing pa si gago wala siyang makita. Kinasa niya ulit ang baril at itinutok ulit sa akin. Hindi ko alam kung bakit naninigas ang aking mga braso at binti nanatili ako sa aking pwesto. Nanginginig ang baril at dahan-dahan na tumutok sa akin. Sa biglang sandali natumba siya at nabitiwan ang baril tumilapon ito sa kalsada. Iyong isang pokpok ay isinagip ako at itinulak si Marlon. May silbi rin pala ang mga pangit.

Gumapang ako tungo sa baril na nakalupasay sa kalsada habang nagaa-away si Marlon at ang pok-pok. Patuloy ang pag-iyak ng gabi at huni ng kidlat. Nakuha ko na ang baril. Naihagis ni Marlon ang pok-pok sa bangin bago ko nakasa at naitutok ang baril sa kanya. Bago siya nakapagsalita napaputok ko na ang baril at tinamaan siya sa kanang balikat. Pumulupot siya sa sakit at minimura ang kalangitan. Hinanda ko ang sarili ko para tapusin na ang dapat tapusin. Lahat ng pagdurusang dinaanan ko at ang lahat ng nanakaw sa akin na salapi nakadiin sa balang nakakasa. Lumapit ako sa kanya at pinagmasadan ang kanyang nagluluhang mukha. Hindi ako naawa sa kanya. Pumutok ang baril at nahulog ang katawan sa bangin.

Sumakay ako sa Toyota at dumiretso sa bahay nina Mang Custodio. Tatapusin ko ang paikot-ikot na mundong ito kukunin ko ang nararapat sa AKIN! Nakapasok ako sa bahay nakita ko ang usok ng sigarilyo at amoy ng gin sa hangin. (Masmadali pumatay ng tao pagnakapatay ka na.) Nasa tabi na ako ni Mang Custodio ngunit wala itong kibo. Namatay na pala siya hinawakan ko ang kanyang pulso ngunit walang ritmo ito. Nagbuntong hininga ako buti na lang at hindi ko na kailangan pumatay ulit. Dinala ako ng aking mga paa sa kahadyero. Naalala ko ang kombinasyon para mabuksan ang kahadyero ibinigay sa akin ni Marlon at ilan beses ko narinig mula sa mga pag-uusap ng mag-ama. Nanlaki ang mata ko sa salaping nagpakita sa akin. Nagmadali akong kumuha ng bag nagtapon ng nagtapon ng mga libo-libong salapi. Bumalik ako sa kwarto ni Marlon upang kunin ang mga papeles na nagsasaad ng aking pangalan. Jesus Nazareno. Pumunta ako sa bahay nila Tinoy upang kunin ang kanyang asawa’t anak. Hindi nila matanggap na patay na si Tinoy kinailangan ko silang kaladkarin patungong kotse dahil nasa peligro sila. Umuwi ako sa aming bahay ngunit sa pagdating ko nabawian na ng hininga si Tay Erning. Ipinikit ko ang kanyang mga mata at nagbigay ng maikling dasal.

Mabilis na ang mga lumipas na pangyayari sa panahon pagkatapos kong tumakas sa teritory nina Mang Custodio. Marami naman magagawa ang maraming salapi eh. Bayad dito bayad doon. Basta bayaran mo iyong mga tamang tao pwede ka nang makalusot at maangat ang sarili mo. Nagpapasalamat ako kay Marlon at kay Mang Custodio kung wala ang tulong nila walang mangyayari sa akin. Wala akong matututunan tungkol sa paghawak ng pera at sa pasikot-sikot ng mga negosyo. Isinasama ko sila tuwing nagdadasal ako.

Dito nagtatapos ang aking kwento. Medyo nainis ako sa sarili ko kung bakit natuwa ako na namatay si Tay Erning. Baka bunga nito ang aking kasawaan sa paikot-ikot ng tadhana sa akin. Ngayon, ako nagdesisyon para sa aking sarili hinawakan ko ang nararapat sa akin! Pero mahal ko siya hindi ko malilimutan ang nagawa niya para sa akin. May bago akong pangalan ngunit hindi ko sasabihin sa inyo baka kasi kilala niyo ako eh. At ipahayag ang mga nagawa ko sa aking dating buhay. Madali naman magpalit ng pangalan isa lang itong papeles mayroon ka nang identidad. Marami na ako ngayong pera kaya kahit ilang pangalan pa pwede kong bilin! Nagsisinungaling ako sa inyo pagsinabi ko na simple lang ang buhay ko. Marami akong Toyotang itim na binili mayroon na rin akong Jaguar at Rolls Royce. May mansion sa Palawan at madalas ang bakasyon namin sa France. Pero ang pinagkaiba ko sa ibang plastic na mayayaman na sinasabing simple lang ang buhay nila ay ipinapaaral ko ang mga mahihirap para hindi sila manatiling tanga at api-apihan. Hindi itong pakyut na charity work na pakain lamang iniaangat ko ang katauhan nila at kaisipan. Pangmatagalang-tulong.

Tutal marami na akong napatayong mga paaralan at mga simbahan. Nakatulong na rin ako sa mga kapwa ko mahirap napa-aral ang kanilang mga anak at nagbigay ng trabaho sa kanilang mga magulang. Sa tulong ko wala nang iskwater sa dati kong tirahan sa Pasig. Napalitan na ng mga sari-saring negosyo at pabahay. Lahat ng kilala ko noon ay nagkatrabaho sa tulong ko! Ngunit inilihim ko sa kanila ang aking identidad maraming taon na ang lumipas nakalimutan na nila ang aking itsura. Marami naman maitim at gusgusin sa buong Pilipinas maaalala pa kaya nila ako?

Pinakasalan ko ang nabiyudang mag-ina para kay Tinoy. Minahal ko sila parang sarili kong pamilya nagkaroon kami ng isa pang anak na babae. Pero tuwing nag-aayos ako ng barong sa harap ng salamin lagi kong nakikita ang batang gusgusin mula sa iskwater sa Pasig. Lagi siyang tumitingin sa akin at pinapaalala sa akin ang aking nakaraan. Kahit ilang beses man ako magmalinis laging nagpapakita sa aking mga kamay ang bahid ng dugo. Wala na akong magagawa ukol rito. Pero patuloy ako sa aking paggawa ng mabuti para sa aking pamilya’t anak at sa pagunlad ng mga mahihirap. Parehas lang kami nina Mang Custodio at Marlon ngunit hindi ako maramot at mandarambong tulad nila. Hindi rin ako nagpapanggap na wala akong masamang ginawa nangyari na iyon at lubusan ng nakabaon sa panahon. Nakatingin ako sa kinabukasan at sa mas nakakahigit na mabuti para magpakain sa kadiliman. Sikreto lang natin ito ah! Huwag niyong ipagpapakalat kasi kung ipinagkalat niyo maraming mawawalan ng trabaho at maraming taong mabibigo! May mga bagay na mas malaki sa indibidwal kung nakasalalay rito ang mas nakakahigit na kabutihan. Tutal baka ako ang presidente ng Pilipinas o kaya isang bayani o baka ako iyong batang nasa kalsada na naglilimos pwede rin iyong naglalako ng bigas tuwing madaling umaga gets niyo naman diba? Ang dami ko na ngang halimabawa eh. Kaya huwag niyong ipagkakalat ang kwento ko. Sige salamat sa pakikinig ninyo sa aking madramang istorya. Manonood muna ako ng Wowowee at magkakape kami ni papi Willie pagkatapos ng show niya. Paalam.